Dead on arrival sa ospital ang isang binata sa Odiongan, Romblon matapos itong maaksidente sa Barangay Pato-o nitong gabi ng Martes.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang biktima na si Ace Ruel Meñez, residente ng Barangay Batiano.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay bumibyahe mula sa Barangay Pato-o patungong Poblacion at pagdating sa kurbada ng Sitio Rapayon ng nasabing barangay siya ay nawalan ng kontrol at tumilapon sa balkonahe ng isang bahay.
Nagtamo siya ng sugat sa ulo at agad na dinala sa Romblon Provincial Hospital ngunit sa kasamaang palad siya ay idineklarang patay ni Dr. Danilo Tangalan.
Muli namang nagpaalala ang Odiongan Municipal Police Station sa publiko na laging tandaan ang mga sumusunod na “Defensive Driving Tips”: Huwag kailanman magmaneho kapag masama ang pakiramdam o sa ilalim ng impluwensya ng alak; Laging magsuot ng helmet; Maging alerto lagi; Huwag magmaneho ng mabilis; at Magmaneho nang may kumpiyansa, hindi agresibo.