Mula sa orihinal na petsa na August 3, inilipat ng pamunuan ng Romblon State University ang kanilang balik-eskwela sa darating na ika-24 ng Agosto, batay sa Memorandum No. 16 s. 2020 na inilabas ng pamantasan.
Kinumpirma ito ni Dr. Elvin Gaac, Vice President for Adademic Affairs, nang makausap ng Romblon News Network nitong Lunes ng hapon.
Aniya, ang pagpapalit ng bagong schedule ay para mabigyan ng panahon ang mga gumagawa ng modules, maging ang mga estudyante na makapaghanda sa pagbabalik eskwela sa panahon ng ‘new normal’.
Dagdag na paliwanag ni Dr. Gaac, ang pagpapalit ng petsa ay napagkasunduan rin para mabigyan rin ng panahon na makauwi ang mga estudyante na nasa Manila na piniling mag-aral nalang sa Romblon State University upang makaiwas sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Sa pagbabalik ng klase, sinabi ni Dr. Gaac na isa sa mga estilo ng pagtuturo na gagawin ng Romblon State University sa ‘new normal’ ay ang virtual classrooms kung saan makikinabang ang mga estudyanteng may mga gadgets at internet connection.
Bagamat may virtual classrooms, magkakaroon parin naman umano ng physical at modular system ang pamantasan kung saan tutuok naman sa mga estudyanteng walang mgainternet connection sa kanilang mga lugar.