Isang truck na puno ng semento ang tumagilid nitong hapon ng Martes, June 16, sa Barangay Matutuna sa bayan ng San Andres sa Tablas Island, Romblon.
Ayon sa mga report, ang nasabing truck na pagmamay-ari ni Harold Firmalo ay galing ng Odiongan at patungo sana ng bayan ng San Agustin nang masangkot sa aksidente.
Kwento ng driver ng nasabing truck, hindi niya na umano na kontrol ang sasakyan pagdating nila sa may kurbadang daan paglagpas ng Barangay Hall ng Barangay Matutuna hanggang sa tumagilid na ito.
Ligtas naman ang driver ng truck at ang mga pahinante nito.
Samantala, nagdulot naman ng bahagyang pagbagal sa daloy ng trapiko ang nasabing truck matapos itong humambalang sa kalsada ng mahigit ilang oras.