Natagpuang walang buhay sa kanyang pamamahay ang isang lalaki sa bayan ng Alcantara, Romblon noong nakalipas na Sabado, June 20.
Ayon sa police report mula sa Alcantara Municipal Police Station, bandang alas-8 ng umaga noong ika-20 ng Hunyo, natagpuan ni Boyet Gallos ang lalaking si Rufino Galicia Gusi, 45 anyos, na walang buhay sa kanyang pamamahay.
Huling nakitang buhay si Galicia noong gabi ng Huwebes kung saan nakita siyang bumili ng alak sa isang tindahan sa Sitio To-ug sa Barangay Bagsik.
Bagama't hindi pa malinaw kung bakit ito namatay, aminado ang mga kamag-anak nito na lasenggero si Galicia at minsan ay umiinum ng alak ng walang kinain.
Naniniwala umano sila na namatay ito dahil sa kalasingan dahil natagpuan siya sa kanyang kama na nakahiga at nagsuka ng dugo.
Ayon sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station, wala silang nakikitang foul play sa insidente.
Dinala sa Rural Health Unit ang bangkay ni Galicia para sa medico-legal examination.
































