Tiklo sa ikinasang operasyon ng Provincial Intelligence Unit at ng Magdiwang Municipal Police Station ang dalawang lalaki sa bayan ng Magdiwang na di umano ay iligal na nagmimina sa bundok Guiting-Guiting sa Brgy. Dulangan.
Kinilala ang mga naarestong suspek na si Dionesio Robea Lumahan, 59 anyos; at Ryan Christian Gutierrez, 23.
Ayon sa pulisya, alas-2 ng hapon nitong Lunes ng maaktuhan nilang nagmimina sina Lumahan at Gutierrez kasama ang dalawa pang nakatakas na suspek at inaresto nang walang maipakitang mining permit.
Nakuha sa kanilang pangangalaga ang ilang gamit sa pagmimina kagaya ng bull mill, shafts, electric motor, center pulley, blower, torch, mallet, crew bar, at iba pa.
Nakakulong na ngayon ang dalawa habang patuloy ang paghahanap sa dalawa pang tumakas na suspek.
Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Section 102 ng Republic Act 7942 o mas kilalang Philippine Mining Act.