Bumaliktad sa kahabaan ng national road sa Barangay Pangulo, Calatrava, Romblon ang kotse na sinasakyan ng bise alkalde ng San Agustin, Romblon na si Zaldy Marin nitong Huwebes.
Ayon sa bise alkalde, nagka-problema umano ang isa sa mga unahang gulong ng kanyang kotse at nawalan ng kontrol hanggang sa mapunta sa gilid ng bundok at bumaliktad.
Sa facebook post ni Marin, sinabi nito na ligtas naman umano silang lahat na sakay ng kotse at hindi naman umano nagalusan.
“Nais ko po ipabatid sa inyong lahat na kami po ay LIGTAS at walang anumang malubhang nangyari sa amin. Kahit gasgas o pasa sa katawan ay wala ho kaming natamo kaya po marami ang hindi makapaniwala dahil sa nakita nila kung ano nangyari sa aking sasakyan,” ayon sa bise alkalde.
Dagdag ni Marin, hindi talaga umano nila akalain na ganun ang mangyayari sa kanilang sasakyan.
Wala naman umanong ibang nadamay sa aksidente.