Simula bukas, March 02, ay magsisimula ng manghuli ang mga tauhan ng Odiongan Traffic Regulatory Unit (OTRU) ng mga tricycle na colorum o walang pintura na kulay asul.
Ito ang mensahe na ipinadala ni vice mayor Diven Dimaala sa Romblon News Network nitong Linggo ng gabi.
“Tulad ng huling napagkasunduan ng lahat ng TODA at ng Committee on Transportation, ang deadline po sa pagpapapintura [ng asul] ay natapos na noong February 29, 2020,” ayon kay Dimaala.
Ang mga wala umanong pinturang asul ay nagpapahiwatig lamang na ang bumabiyaheng tricycle o tribike ay walang prangkisa sa lokal na pamahalaan o sa makatuwid ay isang colorum.
Aniya, ang paghihigpit simula bukas ay isa sa mga paraan para maiwasan na ang pag biyahe ng mga colorum na tricycle sa bayan ng Odiongan, upang mabigyan ng daan ang mga totoong tricycle drivers.
Hinihikayat naman ng bise alkalde ang lahat ng mga mananakay na tanging sa mga may kulay lang na tricycle sumakay dahil ang mga ito ay may tamang fare matrix, at siguradong may mga prangkisa para bumiyahe sa bayan.