Mas hinigpitan pa ng Odiongan Municipal Police Station sa pangungunan ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr., ang paglaban kontra sa mga iligal na pasugalan sa bayan ng Odiongan sa Romblon matapos na ipag-utos ni PNP Chief Ronald ‘Bato' Dela Rosa ang pagpapalakas ng kapulisan sa paglaban sa illegal gambling sa buong Pilipinas.
Ayon kay Chief Bato, mayroon na silang inihandang plano para labanan ang mga illegal gambling gaya ng ipinatupad nila na Oplan Double Barrel sa paglaban sa iligal drugs.
Magkakaroon rin umano ng Oplan Tokhang laban sa mga financier, gambling lords, at mga operators.
Sa Odiongan, Romblon arestado naman kahapon, February 13, si Ernesto Fabiculana Jr., 46-taong gulang, matapos na maaktuhan siya at kanyang mga kasamang naglalaro ng cara y cruz sa tabi ng cockpit arena sa Barangay Budiong. Nakatakbo umano ang mga kasama nito habang si Fabiculana ay naabutan ng pulisya.
Nakuha kay Fabiculana ang pera na nagkakahalaga ng P990 at apat na 25 centavo na ginagamit umanong device sa iligal na laro.
Nagsasagawa na rin umano ng hot pursuit operation ng Odiongan Municipal Police Station sa mga kasama ni Fabiculana para makilala sila at maaresto.
Nakakulong na si Fabiculana ngayon sa Odiongan Municipal Police Station at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang Anti-llegal Gambling Law.
































