Nailigtas na pasado alas-5 ngayong hapon ng mga tauhan ng Coast Guard Station Romblon at Coast Guard Sub Station Ambulong kasama ang mga residente ng Barangay Sablayan, Romblon ang dalawang pasahero at ang isang operator ng isang bangkang de motor na tumaob sa bahagi ng Romblon at Sibuyan Island kaninang tanghali.
Ayon sa Coast Guard Station Romblon, ang mga sakay ng bangka ay sina Christian Gutierez, Peter John Repe, at Ronaldo Ramo.
Bumiyahe sana ang tatlo galing Agtiwa, San Fernando, Sibuyan Island, Romblon at patungo sanang Romblon, Romblon para humabol sa barkong biyaheng Batangas.
Winasak umano ng malalakas na alon ang katig ng kanilang bangka kaya tumaob ito sa gitna ng kanilang biyahe.
Dinala na sa Romblon District Hospital ang mga sakay ng bangka upang sa atensyong medikal.
Dagdag pa ng Coast Guard Station Romblon, hindi lima ang sakay ng bangka kundi tatlo lamang at maaring nagkalito lang sa report dahil iba’t ibang pamilya ang tumatawag sa kanila upang magbigay ng impormasyon.