Arestado ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Senior Police Inspector Manuel Fernandez Jr. ang lalaking dating sumuko na sa Oplan Tokhang ng PNP matapos na makuhaan ng shabu sa kanyang bahay sa Sitio Cocoville, Barangay Dapawan, Odiongan sa isang search warrant operation.
Nakuha sa loob ng bahay ng suspek na si Ryan Fabellon Asturias, 38-taong gulang, ang 4 plastic sachet na may lamang di umanoy shabu na aabot sa P5,000 ang street value.
Isinagawa ang search warrant operation pasado alas-5 ng umaga kanina.
Agad na dinakip ang suspek at dinala sa istasyon ng PNP ang suspek para sa booking.
Paliwanag ng pamilya ng suspek sa Romblon News Network, wala umanong shabu sa bahay ang kanilang kamag-anak.
Nakatakdang kasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.