Arestado matapos ang mahigit 12-taong pagtatago sa batas ang ika-2 most wanted person ng bayan ng San Andres nitong Martes, December 06.
Sa report ng Police Regional Office MIMAROPA, nahuli ang suspek na si Rommel Manilay Fajilagutan sa kanyang lugar sa Barangay Linawan, San Andres, Romblon ng pinagsamang pwersa ng 3rd Manuever Platoon, Mindoro Oriental Provincial Public Safety Company at San Andres Municipal Police Station.
Si Fajilagutan ay 35-taong gulang, isang magsasaka, at walang asawa.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas pa noong January 2004 ng Regional Trial Court Branch 82.
Nakakulong na ang suspek ngayon sa San Andres Municipal Police Station.
Si Fajilagutan ay isa lamang sa siyam (9) na wanted person na nadakip ng mga tauhan ng pulisya nitong unang linggo ng December.
Bahagi umano ito ng pagpapaigting ng kanilang LOI Manhunt Charlie.