Sugatan ang isang rider sa Barangay San Roque sa bayan ng Alcantara pasado alas-6 ng gabi kanina matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo.
Kinilala ang nasabing rider na si Charlie Familara, residente ng kalapit bayan na Looc, Romblon.
Ayon sa mga nakasaksi, mabilis umano ang paandar ni Familara at sumimplang matapos na iwasan ang dumaang aso sa harapan nito.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ang biktima matapos itong himatayin. Nagtamo ng sugat ang biktima at agad namang isinugod sa hospital sa katabing bayan.
Isang naglalakad rin sa kalsada ang nasagi ng motorsiklo ni Familara bago ito tumumba.
Patuloy na iniimbestigahan ng Alcantara Municipal Police Station ang nasabing aksidente.