Dalawa ang naiulat na sugatan matapos na sumalpok ang isang multicab sa nakaparadang van sa Barangay Poblacion, San Andres, Romblon, madaling araw ng December 31.
Ayon sa report ni Juvy Fabon ng DZEL Radyo Agila, sinabi nito na isinugod ng mga residenteng nakasaksi ang driver at ang isang pasahero ng nasabing multicab sa San Andres Municipal Hospital.
Kinilala ng San Andres Municipal Police Station ang driver na si Penuel Sespene, 66-taon gulang, dating empleyado ng gobyerno; habang ang pasahero ay si Lito Fermanejo, 66-taong gulang, pawang mga residente ng Odiongan, Romblon.
Galing umano ang nasabing multicab sa bayan ng San Agustin at patungo sanang Odiongan ng biglang mawalan ng kontrol sa minamanehong sasakyan matapos maka idlip kaya sumalpok sa isang van.
Ayon sa San Andres Municipal Police Station, inihahanda na nila ang kasong reckless imprudence resulting to damage to property laban sa driver.