Naaresto ng mga kapulisan sa San Fernando, Romblon ang isang lesbian matapos nitong ihostage ang kasintahang babae ng halos isang oras sa kanyang papamahay.
Sa report ng San Fernando Municipal Police Station na pirmado ni Police Senior Inspector Elmer Fajel, bandang ala-una umano ng hapon nitong December 12 ng makatanggap ng tawag ang kanilang opisina na may nangyayaring hostage drama sa Centro-Canjalon.
Kinilala na lamang ng kapulisan ang suspek sa pangalang Laila, 28-taong gulang, residente ng Sitio Ilaya ng nasabing barangay; habang ang biktima naman ay kinilalang si alias Fe, single mother, 33-taong gulang, a residente ng Centro-Canjalon, San Fernando, Romblon.
Ayon pa sa report, nagsimula umano ang hostage drama sa isang misunderstanding na natuloy sa sakitan. Humingi umano ng tulong ang biktima sa mga barangay officials. Habang nakikipag-usap umano si Barangay Captain Ronald Montojo sa biktima, bigla umanong kumuha ng kutsilyo ang suspek at gumawa ng gulo.
Ikinulong ng suspek ang kanyang kinakasama habang tinutukan ng patalim sa leeg, ayon sa report ng San Fernando Municipal Police Station.
Matapos ang halos isang oras na pakikipag-usap sa suspek, humiling ang suspek sa negosyador na pauwiin na sila sa Sitio Ilaya ngunit nakitaan ng butas ng negosyador na si SPO1 Dyna Rafol ang suspek kaya agad nitong kinuha ang hawak nitong kutsilyo. Agad na inaresto ang suspek ng mga nakaantabay na pulis matapos na makuha ni Rafol ang kutsilyo.
Dinala ang biktima sa Sibuyan District Hospital sa Cajidiocan, Romblon upang tingnan ang kanyang kalagayan.
Nahaharap sa kasong serious illegal detention ang suspek na si Laila.