Apat na kalalakihan sa bayan ng Magdiwang, Romblon ang naaresto ng kapulisan ng Magdiwang Municipal Police Station kahapon ng tanghali matapos na maaktuhang nagmimina ng ginto.
Naaktuhan ang mga suspek na nagmimina sa isang hukay sa Barangay dulungan, Magdiwang, Romblon. Walang maipakitang permit para magsagawa ng mina ang mga suspek kaya hinuli ng awtoridad.
Kinilala ang mga suspek na sina Lexter Relox Roña, 26; Lito Relox Roña, 24; Jerome Valencia Marin, 26; at Albert Sumbad Alya, 26.
Nakuha sa mga suspek ang mga gamit na ginagamit sa pagmimina at pambutas ng lupa.
Ayon kay Police Inspector Kim Badillo ng Magdiwang MPS, talamak ang iligal na pagmimina sa bayan ng Magdiwang at patuloy ang kanilang operasyon para masawata ang mga ito.
Nakakulong na ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 7942.