Hindi na nagising sa kanyang mahimbing na pagtulog ang biktimang si Antonia Martinez, 51-taong gulang, residente ng Sitio Ibay, Brgy. Gui-ob, Alcantara, Romblon matapos tagain ng dalawang beses kaninang tanghali habang natutulog.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng Romblon News Network, lasing umano ang suspek na si Elmo Galicha, 42-taong gulang, nang pasukin umano ni Galicha ang bahay nina Martinez at naghanap ng sundang para gamiting pangsaksak sa biktimang mahimbing na natutulog.
Nagtamo ng dalawang tama sa dibdib ang biktima na naging resulta ng kanyang agarang pagkamatay.
Nabaril naman ang suspek ng mga pulis na nagresponde sa insidente matapos na mag-amok ito at muntik ng tagain ang isa sa mga police ng Alcantara Municipal Police Station.
Nagpapagaling na ang suspek sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan.
Nakatakda naman itong kasuhan ng kaukulang kaso.