Naghatid ng libreng pagkain ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office kasama ang mga tauhan ng Office of the Civil Defense, Odiongan Municipal Police Station, Bureaur of Fire Protection-Odiongan, at Coast Guard Sub-Station Odiongan sa mga pasahero ng 2Go Travel na stranded sa Poctoy Port sa Odiongan, Romblon kaninang umaga.
Aabot sa 325 passengers ang stranded sa lahat ng pantalan sa Romblon dahil sa bagyong #MarcePH.
Problemado naman ang ilang pasahero ng 2Go Travel na patungo sanang Batangas ngunit na stranded sa Odiongan, Romblon; dahil wala na umano silang pang gastos lalo pa kung magtatagal ang bagyo.
Ilan sa mga pasahero ay may kasama pang mga bata at wala na umano silang pambili ng gatas.
Isang ginang at isang lalaki rin ang tiningnan ang kanilang blood pressure matapos umanong makaramdam ng pagkahilo.
Binigyan ang dalawa ng gamot para may mainum habang nasa evacuation center pa.
Patuloy naman ang pagbibigay sa kanila ng suporta ng pamahalaang lokal ng Odiongan at ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council.