Ang Bureau of Fisheries and Aquatic resources (BFAR) ay nagkaloob ng kagamitang pangisda sa 17 bayan ng lalawigan ng Romblon para ipamahagi sa mga mangingisda.
Ang bawat munisipyo ay tumanggap ng 20 yunit ng de gasolinang makina (gasoline engine), 58 sets ng lambat (gill nets) at 30 pirasong plywood.
Ang tulong pangkabuhayan na ito ay nakatakda namang ipamahagi sa mga rehistradong mangingisda ng bawat bayan sa pamamagitan ng Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) na siyang nakakaalam kung paano tutukuyin ang mga pagkakalooban nito.
Nagpasalamat naman ang mga LGUs dahil sa naturang mga kagamitan sa pangisdaan ay magkakaroon ng kabuhayan ang mga maliliit na mangingisda na kanilang nasasakupan.
Ayon kay Edgardo M. Molina, fishery technician ng OMAg-Romblon, ang kanilang natanggap na ayuda mula sa BFAR ay napakainam para magamit ng mga mangingisda sa pamamalakaya.