Pinangunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Romblon ang kanilang 2015 PopCen Provincial Data Dissemination na idinaos sa Haliwood Inn Hotel, Odiongan, Romblon kamakailan.
Ibinahagi ng PSA ang bagong resulta ng bilang ng populasyon ng buong lalawigan na layuning maipakita ang kahalagahan ng istatistika sa iba’t ibang sektor.
Ang datos ng nakalap ng PSA ay nagagamit ng pamahalaang lokal at nasyonal sa pagpaplano ng mga proyekto, programa o kakailanganing batas para sa kaunlaran ng lalawigan.
Batay sa resulta ng 2015 census ay umabot na sa 292,781 ang populasyon ng lalawigan ng Romblon ayon kay PSA Provincial Statistics Officer Lino Faminialagao kung saan 8,851 lamang ang itinaas nito sa huling bilang ng populasyon noong 2010.
Ayon pa sa datos may 0.59 bahagdan lamang ang ‘growth rate’ ng lalawigan mula taong 2010 – 2015 o may average na anim katao lang ang nadagdag sa kada 1,000 katao sa buong lalawigan.
Ang bayan ng Santa Maria ang nakapagtala ng highest growth rate na 1.96% at ang bayan ng Alcantara ay nadagdagan din ng 1.11 porsiyento.
Ang mga bayan ng Odiongan ang may pinakamalaking populasyon sa lalawigan na umabot sa 45,367 (15.5 porsiyento) kasunod ang bayan ng Romblon na may populasyon na 38,758 (13.24 porsiyento) at pumangatlo ang San Fernando na may populasyon na 23,271 (7.95 porsiyento).
Ang iba pang resulta ng populasyon sa ibang bayan ayon sa bilang nito ay ang mga sumusunod: San Agustin – 22,598, Looc – 22,262, Cajidiocan – 21,861, Alcantara – 16,351, Santa Fe – 16,098, San Andres – 15,589, Magdiwang – 14,142, San Jose – 10,881, Corcuera – 10,283, Calatrava – 10,275, Sta. Maria – 8,508, Ferrol – 6,964, Banton – 5,536 at Concepcion – 4,037.
Samantala, walonng bayan sa Romblon ang kabilang sa may pinakamababang bilang ng populasyon sa Rehiyon ng Mimaropa na kinabibilangan ng Concepcion, Banton, Ferrol, Sta. Maria, Looc, Calatrava, Corcuera at San Jose.
Ang pinakahuling resulta ng census of population, ang Romblon ay nakapag-ambag lamang ng sampung bahagdan (10 porsiyento) sa kabuuang populasyon ng Mimaropa Region na umaabot sa bilang na halos tatlong milyon (2,963,360).