Sa ginanap na pagdinig sa Kamara kaugnay sa umano’y talamak na negosyo ng iligal na droga sa National Bilibid Prison nitong Huwebes, lumalabas na aabot sa 250 kilos ng shabu ang dinadala sa lalawigan ng Romblon.
Ayon kay Nonilo Arile, 26, dating Police Officer 3 ng Philippine National Police na nakulong dahil sa mga kasong kidnapping at murder, dalawa ang nag su-supply ng shabu sa lalawigan.
Ito umano ay sina Jaime Pacho na aabot sa 250kg ang hinahatid sa mga lugar ng Romblon, Las Piñas, Parañaque, Boracay, at Caticlan.
Habang si Roberto Lee naman ng Batang City Jail (BCJ) ay naghahatid rin ng 250kg ng shabu ngunit tanging Masbate at Romblon lamang ang kanyang sinusuplayan.
Ayon kay Arile si Roberto Lee umano ay isang mayaman na tao at sa tuwing may christmas party ay nag papakain ito sa mga inmates at gwardya ng NBP at nagbibigay pa ng 15 hanggang 20 na lechong manok at baboy.
Hindi naman naidetalye ni Arili kung kailan dinala ang mga nasabing shabu sa lalawigan at kung gaano kalaki ang hatian rito.
Nito lamang July 06, aabot sa 38 pakete ng shabu ang isinuko ng isang alyas Butchoy sa mga awtoridad sa Looc, Romblon. Ang nasabing shabu umano ay galing National Bilibid Prison at dadalhin sana ng Boracay.
Ayon pa kay Arile, 70% ng iligal na droga sa buong Pilipinas ay galing sa pagpapatakbo ng Bilibid.