Mga baril at bala ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang raid sa isang bahay sa Sitio Cataja, Barangay Jao-asan, Magdiwang, Sibuyan Island, Romblon nitong September 15 ng umaga sa bisa ng isang search warrant.
Nagsama-sama sa nasabing operasyon ang mga tauhan ng Magdiwang Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Inspector Kim Badillo at siyam (9) na PNCO’s.
Nakuha sa bahay ng suspek na si Arnel Tansiongco Rodeo, ang dalawang caliber 38 revolver at apat pirasong bala, isang holster ng caliber 38, at isang bujawi or de-holen na baril.
Ayon kay Police Inspector Kim Badillo, Chief of Police ng Magdiwang MPS, wala umanong mga lisensya ang mga baril na nakuha sa bahay ni Rodeo.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang suspek, ngunit inamin niya sa mga pulis na sakanya ang mga nasabing baril.
Nakakulong na ang suspek at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Section 29 ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.