Pinagsama sa isang pagtitipon ang kape, panitikan at personal na karanasan sa “Kape at Gunita,” isang community event na naglalayong hikayatin ang mga kalahok na magbahagi ng kanilang mga kuwento at magnilay sa buhay sa pamamagitan ng tula.
Ayon kay Louise Miguel Famini, isa sa mga organizer, naging inspirasyon sa konsepto ng aktibidad ang pelikulang Dead Poets Society, na nagbigay-diin sa kapangyarihan ng panitikan at tula bilang paraan upang maibahagi ng mga tao mula sa iba’t ibang background ang kanilang mga saloobin at karanasan.
Pinangunahan ang pagtitipon ng Romblon State University (RSU), katuwang ang Romblon Book Club, Romblon Observer at Project Aklatan.
Dumalo sa programa ang mga college student, miyembro ng iba’t ibang organisasyon sa RSU, mga propesyonal at residente na may interes sa pagbabasa at pagtula.
Bahagi rin ng aktibidad ang book auction o bidding, kung saan ₱10 ang panimulang halaga ng mga aklat na nagmula kay Mang Nani ng Reading Club 2000 sa Makati.
Gagamitin ang malilikom mula sa auction sa pagbili ng mga kagamitan sa pagbabasa para sa isang organisasyong mapipili sa bayan.
Samantala, karamihan sa iba pang pangangailangan para sa aktibidad ay tinugunan sa pamamagitan ng boluntaryong pagtulong at paggamit ng sariling resources ng mga organizer.
Nagtanghal din ang singer na si Berto, na tubong Romblon, at naghandog ng ilan sa kaniyang mga orihinal na awitin, kabilang ang “Nabihag” at “Isang Daang Porsyento,” na mapapakinggan din sa Spotify.
Bukod sa pamamahagi ng mga aklat at bookmark sa mga kalahok, layunin ng mga organizer na mahikayat ang mga dumalo na patuloy na magkaroon ng interes sa pagbabasa, pagsusulat at pagtula.
Ayon sa mga organizer, nakadepende sa magiging resulta ng unang pagtitipon kung muling isasagawa ang “Kape at Gunita” sa mga susunod na buwan o taon, lalo na kung makatutulong ito sa mga organisasyong makatatanggap ng suporta mula sa programa.


























