Pormal nang lumagda ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagtatatag at operasyon ng PhilHealth Assistance Desk sa Rural Health Unit (RHU) ng bayan.
Isinagawa ang paglagda sa kasunduan noong Nobyembre 17, 2026, sa Bulwagan ng Odiongan Municipal Building.
Ayon kay Atty. Jerry F. Ibay, PhilHealth Vice President for Region IV-B, layunin ng inisyatiba na mailapit ang mga serbisyo ng ahensya sa mga mamamayan at mabigyan sila ng mas madaling access sa mga serbisyong may kaugnayan sa kanilang health insurance.
“Para magbigay ng services kasi kailangan namin ang mga tao na magkaroon ng access. Sa pagpunta nila, hindi na nila kailangang bumalik sa opisina dahil nandoon na po ang serbisyo,” ani Ibay.
Sa ilalim ng kasunduan, itatatag ang PhilHealth Assistance Desk sa RHU upang magsilbing lugar kung saan maaaring lumapit ang mga residente para sa impormasyon at kaukulang tulong hinggil sa kanilang PhilHealth membership at mga serbisyo.
Ayon sa PhilHealth Local Health Insurance Office-Romblon, bahagi ang hakbang na ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na mailapit ang mga serbisyo nito sa mga komunidad at mapahusay ang pagtugon sa pangangailangan ng publiko.

























