Umabot sa 99 bagong pisa na Hawksbill Sea Turtle o pawikan ang ligtas na naibalik sa kanilang likas na tirahan sa karagatan ng Barangay Binonga-an, San Agustin, Romblon noong umaga ng Nobyembre 8, 2026.
Nakatulong sa pagsagip at pagtiyak sa kaligtasan ng mga bagong pisa na pawikan si Danny Angelino, isang guro na unang nakadiskubre sa mga ito at agad na kumilos upang mabigyan sila ng proteksiyon.
Nakiisa rin sa pagpapakawala ang Municipal Agriculturist Office, mga opisyal ng Barangay Binonga-an at ilang residente.
Ipinakita ng aktibidad ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at komunidad sa pangangalaga ng yamang-dagat, partikular sa pagprotekta sa mga pawikan na kabilang sa mga nanganganib na uri ng hayop.
Mahalaga ang pagprotekta sa mga pugad at bagong pisa na pawikan upang mabigyan ang mga ito ng pagkakataong mabuhay at makatulong sa pagpapanatili ng balanse ng marine ecosystem.


























