Lumahok ang mga kabataan mula sa Barangay Bagsik at Barangay Camili sa isang seminar na naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa karapatan at kapakanan ng mga bata na isinagawa noong Nobyembre 7 sa bayan ng Alcantara.
Pinangunahan ng Alcantara Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), lokal na pamahalaan at Federation of Sangguniang Kabataan (SK), ang Advocacy Activities on the Promotion of Children’s Rights and Welfare Seminar.
Tinalakay sa aktibidad ang mga karapatan at responsibilidad ng mga bata, gayundin ang kahalagahan ng pagbuo ng ligtas at mapagkalingang komunidad para sa kanila.
Naging tagapagsalita sina Michael G. Santos at PSSg. Jan-jan G. Lucidos na nagbahagi ng kaalaman at mensahe hinggil sa pangangalaga sa karapatan ng mga bata at paghubog sa kanila bilang responsable at mulat na mga mamamayan.
Dumalo rin sa seminar si Mayor Riza G. Pamorada, kasama si SK Federation President Ian Parohinog, MSWDO head Roxanne Fornal at mga kawani nito, mga guro ng Alternative Learning System (ALS), at mga opisyal ng barangay at SK ng Barangay Bagsik.
Nakiisa rin ang mga barangay tanod at Barangay Health Workers (BHWs) na tumulong sa pagsasagawa ng programa.
Binigyang-diin sa aktibidad ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, kapulisan at iba pang sektor upang mapangalagaan ang karapatan ng mga bata at mabigyan sila ng sapat na kaalaman tungkol sa kanilang papel sa komunidad.


























