Natagpuang patay ang isang 39-anyos na Filipina sa apartment na tinitirhan nila ng kaniyang asawa sa Ah Mau building sa Apia, Samoa, kasunod ng umano’y pagpasok ng hindi pa kilalang tao sa kanilang tirahan madaling-araw noong Linggo.
Ayon sa ulat ng Samoa Observer, kinumpirma ng isang kamag-anak at miyembro ng Filipino community sa Samoa ang pagkamatay ng babae, na tubong Looc, Romblon.
Nangyari umano ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa ikalawang palapag ng gusali. Natagpuan ng kaniyang asawa ang katawan sa loob ng kanilang apartment na magulo.
Rumesponde sa lugar ang mga pulis, ambulansya at Samoa Fire and Emergency Services Authority (SFESA).
Sinabi ng isang security guard sa Samoa Observer na humingi ng tulong ang asawa matapos madiskubre ang kaniyang misis. Ayon sa guwardiya, nahirapan siyang unawain ang lalaki dahil sa language barrier, kaya gumamit ito ng mga senyas upang ipaliwanag ang nangyari.
Kinumpirma ni SFESA Commissioner Tanuvasa na rumesponde ang kanilang mga tauhan sa insidente.


























