Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA ang mga lokal na pamahalaan, magsasaka at mga kabahayan na magtipid sa tubig at kuryente bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Ayon kay DILG MIMAROPA Local Government Operations Officer V Lance Andrei T. De Jesus, makatutulong ang maagang paghahanda upang mabawasan ang posibleng pagkalugi at mapanatili ang mga pangunahing serbisyo sa panahon ng matagal na tagtuyot.
Makikipag-ugnayan ang mga LGU sa Department of Agriculture (DA) para isulong ang paggamit ng solar irrigation, drought-resistant seeds at water-saving technologies. Pinapayuhan din ang mga magsasaka na iakma ang cropping schedules at panatilihing maayos ang kanilang mga irrigation system upang mabawasan ang posibleng pagkalugi sa pananim.
Inatasan naman ang mga LGU na ipatupad ang mga hakbang sa pagtitipid ng tubig, itigil ang mga illegal connection, ayusin ang mga tumatagas na linya at tukuyin ang mga alternatibong mapagkukunan ng tubig upang makatulong sa pagpapanatili ng suplay.
Hinikayat din ang mga residente na magtipid sa paggamit ng tubig, mag-imbak ng tubig-ulan at iulat sa kanilang local Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ang mga kondisyon sa kanilang lugar para sa mas mabilis na pagtugon.
Para naman sa pagtitipid ng kuryente, inirekomenda sa mga LGU na limitahan ang paggamit ng non-essential lighting, bawasan ang paggamit ng mga kagamitan at itakda sa 24 degrees Celsius ang mga air-conditioning unit. Hinikayat din ang mga komunidad na bawasan ang konsumo ng kuryente tuwing peak hours.
“Simple steps like switching off unused lights and setting air conditioners properly can lower bills and ease demand on the grid,” ani De Jesus.
Ang panawagan ay bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa posibleng epekto ng El Niño, kabilang ang epekto nito sa suplay ng tubig at kabuhayan.Sa Palace press briefing noong October 1, hinikayat din ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang publiko na manatiling kalmado at magsagawa ng wastong paghahanda.
Sinabi ni Castro na may mga hakbang na ang pamahalaan, kabilang ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda, at nakahanda ang mga ahensya para tumugon sa mga posibleng epekto ng El Niño.
“Handa ang pamahalaan sa phenomenon na ito dahil kung matatandaan ninyo, noong 2024 ay nagkaroon tayo ng Task Force El Niño. Kumbaga, ang El Niño ay hindi na bago sa Pilipinas,” ani Castro.


























