Inilahad ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic ang mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan para sa kalusugan, pangangalaga at kabuhayan ng mga senior citizen sa kanyang mensahe sa Elderly Filipino Week Celebration na isinagawa sa bayan ng Looc nitong October 2, 2026.
Binigyang-diin ng gobernador ang mga inisyatiba na naglalayong mapadali ang pag-access ng mga nakatatanda sa serbisyong pangkalusugan at iba pang suporta mula sa pamahalaang panlalawigan.
Kabilang dito ang Romblon Health Access Program (R-HAP) na nagbibigay ng libreng R-HAP Card na nagkakahalaga ng hanggang ₱5,000 para sa maintenance na gamot at iba pang pangangailangang medikal.
“Kung talagang hirap na hirap tayong bumili ng ating mga maintenance, pwede po kayong kumuha ng R-HAP card sa inyong munisipyo,” paliwanag ni Gov. Fabic.
Sinabi rin ng gobernador na nagtalaga ang pamahalaang panlalawigan ng mga Governor’s Health Desk sa bawat munisipyo at pampublikong ospital upang maging mas accessible ang tulong para sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal, tulong pampalibing at libreng confinement sa ward.
“Bawat bayan may Governor’s Health Desk… para hindi na po mahirapan ang ating mga kababayan, hindi na kayo pupunta ng Odiongan o ng Kapitolyo para humingi ng tulong,” ani Fabic.
Ibinahagi rin ng gobernador ang DEPARA Program, isang inisyatiba na nakatuon sa pagbisita at pag-alalay sa mga bedridden na senior citizen katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). Sa ilalim nito, nabibigyan din ng libreng gatas at bigas ang mga benepisyaryo.
“Sila po ay umiikot sa mga bedridden na mga seniors, medyo tinutulungan kasi minsan ’yung bedridden na seniors walang pamilya… tinutulungan sila na paliguan, tinutulungan sila na kung iuusod sa kama,” pahayag ng gobernador.
Para naman sa pangkabuhayan, binanggit ni Fabic ang mga programang Cash-for-Work at Food-for-Work katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), kabilang ang mga gawain tulad ng vegetable gardening na maaaring magbigay ng dagdag na kita sa mga senior citizen.
Binigyang-diin ni Gov. Fabic ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa sektor ng mga nakatatanda.
“Ang hangad po namin, maging healthy po kayo, ma-enjoy ninyo ang inyong buhay kasama ang inyong mga pamilya… Mahal po namin ang mga lolo at lola sa probinsya ng Romblon,” ani Gov. Fabic.

























