Nagpatuloy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng tig-₱2,000 cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa Alcantara, Romblon ngayong Huwebes, October 1, bilang bahagi ng ikalawang tranche ng UPLIFT Assistance Program.
Tinatayang 758 residente ng bayan ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong makatulong sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng UPLIFT (Unified Package Livelihoods, Industry, Food, and Transport), makatatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng ₱2,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan, o kabuuang ₱12,000 na financial assistance.
Sa buong lalawigan ng Romblon, tinatayang mahigit 15,300 Romblomanon ang nasaklaw ng programa.
Ang UPLIFT ay isang social protection initiative na nagbibigay ng pansamantalang tulong pinansyal sa mga pamilyang mahihirap, near-poor, at low-income upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.


























