Labing-isang indibidwal ang nasugatan matapos tumagilid ang isang pampasaherong jeep sa Sitio Bagacuta, Barangay Paroyhog, Santa Maria, Romblon bandang alas-9:35 ng umaga ngayong September 30.
Bumiyahe ang jeep mula Looc patungong San Agustin nang mangyari ang insidente sa National Road.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, tinatahak ng jeep ang pababang bahagi ng kalsada nang mapansin umano ng driver na hindi gumagana ang preno ng sasakyan.
Dahil dito, minaniobra umano ng driver ang jeep patungo sa kaliwang bahagi ng kalsada at sinadyang itama sa gilid ng burol upang mapahinto ang sasakyan at maiwasang tuluyang bumaba sa matarik na bahagi ng kalsada.
Gayunman, tumagilid ang jeep at tuluyang bumagsak sa kanang bahagi nito.
Labintatlong pasahero ang sakay ng jeep, kabilang ang siyam na nasa hustong gulang, dalawang teenager o bata at dalawang batang pasahero. Ilan sa mga ito ang nagtamo ng mga pinsala.
Ayon kay Santa Maria Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Jane Francisco, agad na rumesponde ang mga awtoridad at nailikas ang mga nasugatan. Dinala ang mga ito sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc para sa paunang lunas at kaukulang medical attention.
Nasa kustodiya muna ng Santa Maria MPS ang driver at ang sangkot na jeep para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari sa road crash.


























Discussion about this post