Umabot na sa 15,967 o 61.7 porsyento ang accomplishment ng Romblon sa isinasagawang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA), dahilan upang pumuwesto ang lalawigan sa ikalawang pinakamataas na vaccination coverage sa MIMAROPA, ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Target ng kampanya na mabakunahan ang 25,881 batang edad 6 hanggang 59 buwan sa buong lalawigan. Una nang itinakda ng PHO na maabot ang hindi bababa sa 95 porsyento ng target population upang mapalawak ang proteksyon ng mga bata laban sa measles at rubella.
Pinakamataas ang accomplishment sa mga batang edad 6–12 buwan, kung saan 2,292 o 69.0 porsyento ang nabakunahan. Sinundan ito ng mga batang edad 25–59 buwan na may 10,665 o 61.6 porsyento, at edad 13–23 buwan na may 3,010 o 57.4 porsyento.
Kasabay ng pagbabakuna, nakapagbigay rin ang PHO ng Vitamin A supplementation sa 1,772 batang edad 6–11 buwan at 13,835 batang edad 12–59 buwan.
Inilunsad sa MIMAROPA ang MR-SIA o “Ligtas Tigdas” campaign noong August 5 sa bayan ng Romblon, Romblon, kung saan target ang lahat ng batang edad 6–59 buwan, anuman ang kanilang vaccination status, maliban kung may medical contraindication.
Ayon kay Karyle Dioso, Health Education and Promotion Officer III ng PHO Romblon, bagama’t hindi pa naaabot ang kabuuang target na bilang, ikinagagalak nilang pumangalawa ang Romblon sa MIMAROPA batay sa porsyento ng mga batang nabakunahan.
Isinasagawa ang MR-SIA sa pangangasiwa ng PHO at Department of Health (DOH), katuwang ang mga lokal na pamahalaan at health workers, upang maabot ang mga batang maaaring hindi nabakunahan o hindi nakatanggap ng sapat na proteksyon mula sa regular immunization.
Mahalaga ang supplemental immunization dahil nagbibigay ito ng karagdagang pagkakataon upang mapataas ang population immunity at maprotektahan ang mga bata laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.


























Discussion about this post