Magdadala ng maulap na kalangitan at mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa malaking bahagi ng MIMAROPA, kabilang ang Romblon, ang isang Low Pressure Area (LPA) na patuloy na mino-monitor ng state weather bureau.
Ayon sa 5 a.m. weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang LPA 125 kilometro silangan ng Puerto Princesa, Palawan bandang 3 a.m.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Obet Badrina na mababa ang posibilidad na maging tropical depression ang LPA, ngunit maaari itong magdulot ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga lugar na inaasahang makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na rain showers at thunderstorms ang malaking bahagi ng MIMAROPA, kabilang ang Romblon, gayundin ang Bicol Region, Batangas at Quezon.
Ayon kay Badrina, habang kumikilos pakanluran ang LPA sa mga susunod na araw, muling mananaig ang southwest monsoon o habagat sa Palawan, MIMAROPA at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Samantala, ang Metro Manila, Central Luzon, Northern Luzon at iba pang bahagi ng CALABARZON ay inaasahang magkakaroon ng partly cloudy hanggang cloudy skies na may posibilidad ng thunderstorms.
Patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang LPA dahil maaaring magbago ang lagay ng panahon habang kumikilos ito sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Samantala, mababa rin ang posibilidad na pumasok sa PAR ang Tropical Storm Dujuan, na huling tinatayang nasa 2,970 kilometro silangan ng Northern Luzon bandang 3 a.m.



































Discussion about this post