Mas ligtas na ang paglalakbay ng mga motorista, commuter, at residente sa ilang bahagi ng Romblon matapos maglagay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga solar-powered streetlights sa mga pambansang lansangan at mga bagong gawang kalsada sa lalawigan.
Ayon sa DPWH, bahagi ang proyekto ng mga inisyatiba ng ahensya upang mapahusay ang kaligtasan sa kalsada at mapalawak ang access sa mga imprastrakturang makatutulong sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na limitado ang pampublikong ilaw.
Sinabi ni DPWH Romblon Assistant District Engineer Winona Faderogaya na nakatutulong ang mga solar-powered streetlights sa pagpapailaw ng mga lansangan at pampublikong lugar upang maging mas ligtas ang paglalakbay sa gabi.
“Part of our safety ito para sa ating mga commuters upang maging ligtas ang ating mga kalsada kahit sa gabi,” ani Faderogaya.
Ipinaliwanag niya na ang sapat na ilaw sa kalsada ay nagpapabuti sa visibility ng mga motorista at pedestrian, na nakatutulong upang mabawasan ang panganib ng aksidente sa gabi.
Bukod sa mga solar streetlight, naglagay rin ang DPWH ng reflectorized pavement markings at mga road signage sa mga national road upang higit pang mapahusay ang road safety at magbigay ng gabay sa mga biyahero.
“Nandiyan din ang ating mga reflectorized markings at mga signages sa ating mga kalsada para mas maging aware ang ating mga motorista at mga biyahero,” dagdag niya.
Ayon sa DPWH, nakinabang din ang mga residente sa mga lugar na nalagyan ng solar streetlights, kabilang ang Odiongan Bypass Road, kung saan ginagamit na ngayon ng ilan ang maliwanag na kalsada para sa evening jogging at iba pang outdoor activities.
Sinabi rin ni Faderogaya na bahagi ang proyekto ng mas malawak na programa ng ahensya upang mapabuti ang connectivity, accessibility, at kaligtasan sa mga lansangan sa buong lalawigan.
Idinagdag niya na ang paggamit ng solar-powered lighting systems ay bahagi ng kampanyang “Build Right, Serve Right” ng DPWH na naglalayong makapaghatid ng dekalidad at ligtas na imprastraktura para sa publiko.
Ang solar-powered streetlight project ay kabilang sa mga proyektong ipinatutupad ng DPWH sa Romblon upang suportahan ang mas ligtas na road network at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan sa lalawigan.



































Discussion about this post