Magsasagawa ang Romblon Provincial People's Council (RPPC) ng isang multi-stakeholder dialogue upang talakayin ang patuloy na krisis sa suplay ng kuryente sa lalawigan at matukoy ang mga posibleng agarang at pangmatagalang solusyon sa problema.
Ang hakbang ay kasunod ng pagpapatibay ng RPPC ng isang resolusyon sa ginanap nitong 2nd Quarter Meeting noong Hunyo 23 na nagpapahayag ng pagkabahala sa mga madalas na brownout at hindi matatag na serbisyo ng kuryente sa iba't ibang bahagi ng lalawigan, partikular sa Sibuyan Island.
Ayon sa RPPC, layunin ng nakatakdang “Urgent Multi-Stakeholder Dialogue on Energy and Power Security” na pag-isahin ang mga pangunahing stakeholder sa sektor ng enerhiya upang magkaroon ng bukas na talakayan hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng suplay ng kuryente sa Romblon.
Naging bahagi ng pagpupulong si Bayay Sibuyanon, Inc. Chairperson Rodne Galicha na nagbigay ng presentasyon tungkol sa kalagayan ng sektor ng enerhiya sa lalawigan at mga rekomendasyon upang matugunan ang mga suliraning kinahaharap ng mga consumer.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga epekto ng hindi matatag na suplay ng kuryente sa kabuhayan, negosyo, edukasyon, kalusugan, at iba pang sektor sa lalawigan.
Ang panawagan para sa diyalogo ay kasunod din ng privilege speech ni Sangguniang Panlalawigan Member Cary Falculan noong Hunyo 19 kung saan inilahad niya ang mga hinaing ng mga residente ng Sibuyan kaugnay ng madalas na pagkawala ng kuryente at ang epekto nito sa pang-araw-araw na pamumuhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
Ayon kay RPPC Interim Chairperson Dr. Alexander Formento, mahalagang magkaroon ng partisipasyon ang iba't ibang sektor sa pagtalakay ng mga isyung may direktang epekto sa mga komunidad.
Aniya, ang usapin ng enerhiya ay hindi lamang nakaaapekto sa isang sektor kundi sa kabuhayan, edukasyon, kalusugan, komunikasyon, at pangkalahatang pag-unlad ng lalawigan.
Sa ilalim ng resolusyon, pangungunahan ng RPPC katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon at Office of the Governor ang pagsasagawa ng diyalogo na nakatakda sa huling linggo ng Hunyo.
Ayon sa RPPC, isasagawa ang aktibidad sa hybrid format at ipapalabas nang live sa social media upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming Romblomanon na makibahagi sa talakayan at makapagbigay ng kanilang mga rekomendasyon hinggil sa usapin ng suplay ng kuryente sa lalawigan.



































Discussion about this post