Hinikayat ni Romblon Communicators Network President John Aries Bejer ang mga information officer, broadcaster, government communicator, at iba pang communication practitioners sa lalawigan na isulong ang etikal, tumpak, at responsableng komunikasyon sa gitna ng mabilis na pagkalat ng impormasyon sa iba't ibang media platform.
Ginawa ni Bejer ang panawagan sa unang semester meeting ng Romblon Communicators Network na isinagawa noong Hunyo 4 sa Rizal, Odiongan, Romblon bilang bahagi ng Romblon Communicators Network Conference and Training na inorganisa ng Philippine Information Agency (PIA) Romblon.
Dinaluhan ang pagpupulong ng mga information officer, broadcaster, government communicator, at media partners mula sa iba't ibang bayan at ahensya sa lalawigan upang talakayin ang mga hakbang para sa pagpapalakas ng public information services at communication initiatives sa Romblon.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Bejer ang mga miyembro ng organisasyon, katuwang na ahensya, at iba pang stakeholder sa kanilang patuloy na suporta at pakikilahok sa mga programa ng network.
Ayon sa kanya, kaakibat ng tiwalang ibinigay ng mga miyembro sa pamunuan ng organisasyon ang responsibilidad na maghatid ng tama at napapanahong impormasyon sa publiko.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga communication practitioner upang matiyak ang maayos na pagpapalaganap ng impormasyon sa mga mamamayan.
Aniya, mahalagang nakabatay sa katotohanan, napapanahon, at beripikado ang mga impormasyong inilalabas sa publiko, lalo na sa panahon ng mabilis na pagdaloy ng impormasyon sa digital platforms.
Sinabi rin ni Bejer na nakasalalay sa pagkakaisa, kooperasyon, at propesyonalismo ng mga miyembro ang lakas ng Romblon Communicators Network.
Idinagdag niya na mahalagang papel ang ginagampanan ng mga communication practitioner bilang tulay sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan upang mas mapalawak ang access ng publiko sa mahahalagang impormasyon.
Ayon pa kay Bejer, patuloy na magsusulong ang organisasyon ng mga programa para sa capacity-building, paggamit ng makabagong pamamaraan sa komunikasyon, at pagpapalawak ng public information services sa iba't ibang bahagi ng lalawigan, kabilang ang mga geographically isolated communities.
Ang Romblon Communicators Network ay binubuo ng mga information officer at communication partners mula sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan na nagtutulungan upang palakasin ang pagpapalaganap ng impormasyon sa lalawigan.



































Discussion about this post