Nagpakita ng magandang kampanya ang mga manlalaro ng chess na may dugong Romblomanon sa katatapos lamang na Palarong Pambansa 2026 sa Agusan del Sur matapos makapag-uwi ng mga medalya at makipagsabayan sa ilan sa pinakamahuhusay na batang woodpushers sa bansa.
Pinangunahan ito ni Women’s FIDE Master Jemaicah Yap Mendoza, tubong Sta. Maria, Romblon, na nagwagi ng dalawang gintong medalya sa Rapid Chess Individual at Rapid Chess Team categories, bukod pa sa isang bronze medal sa Standard Chess Team event para sa koponan ng CALABARZON (Region IV-A).
Bagama’t CALABARZON na ang kanyang kinakatawan sa kasalukuyan, ilang beses ding nairepresenta ni Jemaicah ang Romblon sa mga malalaking school competitions noong siya ay nasa elementarya pa lamang. Lumipat ang kanilang pamilya sa Sta. Rosa, Laguna upang higit na mapagtuunan ang kanyang pagsasanay at pag-aaral. Sa kasalukuyan, siya ay Grade 8 student ng Leon Arcillas National High School.
Matapos ang kanyang kampanya sa Palarong Pambansa, nakatakda namang sumali si Jemaicah sa National Chess Championship sa Olongapo ngayong Hunyo. Ang magiging kampeon sa torneo ay magkakaroon ng pagkakataong kumatawan sa bansa sa isang international competition sa Singapore sa Agosto. Nakatakda rin siyang lumahok sa isang torneo sa Montesilvano, Italy ngayong Hunyo.
Samantala, maganda rin ang ipinakitang laro ng mga batang manlalaro ng MIMAROPA na mula sa Romblon.
Sa Secondary Division, nakalikom si Elijah Madeja ng San Andres ng 3.5 puntos sa Rapid Chess, 3.5 puntos sa Blitz Chess, at 1.5 puntos sa Standard Chess matapos ang pitong rounds ng kompetisyon.
Sa Elementary Division naman, nagtala si Roda Ngo ng Looc ng 3 puntos sa Standard Chess, 3.5 puntos sa Rapid Chess, at 5 puntos sa Blitz Chess.
Kauna-unahang pagsabak nina Elijah at Roda sa Palarong Pambansa, ang pinakamataas na antas ng school sports competition sa bansa. Bagama’t aminado ang kanilang mga magulang na nakaramdam ng kaba ang mga bata, ipinakita pa rin nila ang kakayahang makipagsabayan sa ilan sa pinakamahuhusay na batang manlalaro ng chess sa Pilipinas.
Sa edad na 13, si Elijah ay incoming Grade 9 student pa lamang, habang si Roda naman ay 12 taong gulang at papasok pa lamang sa Grade 7. Dahil sa kanilang murang edad at ipinakitang potensyal, inaasahang mas marami pang tagumpay ang kanilang makakamit sa mga susunod na taon sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at tamang paggabay.



































Discussion about this post