Nagkaroon ng pagpupulong ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon at pamunuan ng Sunlight Air upang repasuhin ang usapin kaugnay sa posibleng pagbabalik ng air transport services sa Isla ng Tablas.
Pinangunahan ang pagpupulong nina Congressman Eleandro Jesus Madrona, Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, at Vice Governor Armando Gutierrez.
Sa isinagawang pagpupulong, ibinahagi ng pamunuan ng Sunlight Air ang resulta ng kanilang feasibility study hinggil sa muling pagbubukas ng biyahe patungong Tablas Island.
Kabilang sa tinalakay ang mga hamon at oportunidad kaugnay sa operasyon ng airline sa lalawigan, kabilang ang passenger demand, operational requirements, at iba pang logistical concerns.
Ayon sa mga dumalo, naging positibo ang naging talakayan at nagpahayag ang magkabilang panig ng kahandaang magtulungan upang matugunan ang mga kinakailangang requirements para sa posibleng pagbabalik ng flights sa isla.
Inaasahan na kapag nafinalize ang plano, makatutulong ang muling pagbubukas ng air transport services sa pagpapalakas ng turismo, negosyo, at mas mabilis na transportasyon sa Romblon lalo na sa Isla ng Tablas.



































Discussion about this post