Naipamahagi na ng pamahalaang nasyonal ang ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Romblon na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program o PAFFP.
Sa ilalim ng programa, tumanggap ng tig-₱2,325 cash assistance ang bawat kwalipikadong benepisyaryo bilang bahagi ng ₱10-bilyong pondo ng pamahalaan na inilaan upang makatulong sa maliliit na magsasaka at mangingisda sa bansa.
Batay sa tala ng Department of Agriculture, umabot sa 15,159 benepisyaryo sa Romblon ang nakatanggap ng ayuda, kabilang ang 6,831 mangingisda at 8,328 magsasaka.
Sa bilang ng mga magsasaka, 1,343 ay mula sa corn sector habang 6,985 naman ay rice farmers.
Tinatayang mahigit ₱35 milyon ang kabuuang halagang naipamahagi sa lalawigan sa ilalim ng programa.
Ayon sa Department of Agriculture, layunin ng PAFFP na mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo sa sektor ng agrikultura at pangingisda, lalo na sa gastusin sa farm machinery, irrigation, transportasyon, at operasyon ng pangingisda.
Bahagi rin umano ito ng hakbang ng pamahalaan upang mapanatili ang produksyon ng pagkain sa gitna ng pandaigdigang economic pressures at mataas na operational costs.
Suportado rin ng programa ang food security agenda ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda na maipagpatuloy ang kanilang produksyon sa kabila ng pagtaas ng gastusin.
Sa ilalim ng PAFFP, kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga rice farmers na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na may lupang hindi lalampas sa dalawang ektarya, mga corn farmers na rehistrado rin sa RSBSA, at mga mangingisdang nakatala sa RSBSA at Boats and Gears Registration o BoatR.



































Discussion about this post