Ibinalita ng lokal na pamahalaan ng San Agustin na opisyal na silang nakatanggap ng ISO 9001:2015 certification, kaya’t naging unang local government unit (LGU) sa lalawigan ng Romblon na tumanggap ng ganitong pagkilala.
Ayon sa LGU, ang nasabing sertipikasyon ay nagpapatunay sa maayos, mahusay, at sistematikong pamamahala ng kanilang mga serbisyo publiko, alinsunod sa pandaigdigang pamantayan ng quality management systems.
“This achievement reflects our unwavering commitment to raising standards, empowering local governance, and putting people at the heart of public service,” pahayag ng pamahalaang bayan.
Ang ISO 9001:2015 ay isang internasyonal na pamantayan na tumutukoy sa kalidad ng sistema ng pamamahala na naglalayong mapabuti ang customer satisfaction, operasyon, at patuloy na pag-unlad ng organisasyon.
Dagdag pa ng LGU, magsisilbi itong inspirasyon upang higit pang paigtingin ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa mamamayan, na may layuning mas maging episyente, transparent, at makatao ang pamahalaan.


































