Isasagawa mula Pebrero 24 hanggang 26 ang Provincial Climate and Disaster Resilience Summit sa Sanctuary Garden Resort sa Tampayan, Magdiwang, Sibuyan Island, bilang bahagi ng pinaigting na hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon laban sa epekto ng climate change at mga kalamidad.
Sa loob ng tatlong araw, pagtitibayin ng mga kalahok ang pagbuo ng Nine-Year Provincial Climate and Disaster Risk Resilience Roadmap (2026–2034), na magsisilbing pangmatagalang gabay ng probinsya sa pagharap sa mga banta ng kalamidad at pagbabago ng klima.
Dumating na sa Sibuyan Island si DENR Assistant Secretary Noralene Uy upang makibahagi sa summit, ayon sa ulat ng Philippine Information Agency (PIA) Romblon.
Inaasahan ding dadalo si Climate Change Commission Secretary Robert E.A. Borje, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga kumpirmadong kalahok ang mga kinatawan mula sa DOST-PAGASA, Office of Civil Defense, Department of Agriculture, DENR-Mines and Geosciences Bureau, UP Resilience Institute at Aksyon Klima Pilipinas. Makikiisa rin ang mga lokal na punong ehekutibo, opisyal ng mga bayan, akademya, civil society organizations, kooperatiba, faith institutions at mga emergency responders.
Layunin ng pagtitipon na pagtugmain ang siyensya, karanasan ng mga komunidad at mga umiiral na polisiya upang makabuo ng mas malinaw at koordinadong plano para sa buong lalawigan.
































