Umani ng pagtutol mula sa mga Romblomanon ang mungkahing ₱100 terminal fee sa Batangas Port na inihain ng Asian Terminals Inc.-Batangas (ATIB), ayon sa ulat ng PortCalls Asia.
Sa Facebook, sinabi ni Odiongan Sangguniang Bayan Member Manuel Don-Don Fernandez Jr. na mula ₱30 biglang ₱100 ang taas at kung kailangan man daw itaas ang bayad ay dapat gradual at hindi isang bagsakan, dahil kawawa ang mahihirap na pasahero.
Binatikos din ito ng mamamahayag na si Emmanuel Eranes na nagsabing tila namali ang patakaran ng ATI dahil imbes na babaan ay isinagad pa ang pagtaas.
Nagkomento rin si Gemma Faminia Fabic na sobra ang ₱100 gayong saglit lang naman tatambay ang mga pasahero sa terminal.
Ayon naman kay Kat Suñer, mahigit kalahati ang itataas ng bayad kahit maiksi lang ang oras ng pag-aantay sa terminal.
Iginiit ni Leticia-letty Tagadtad Forlales na sobra na ang ₱100 at dapat panatilihin na lang ang dating ₱30.
Sinabi rin ni Roque Mangaring na hindi dapat ipatupad ang naturang taas-singil.
Ang panukalang pagtaas ay mula ₱30 tungong ₱100 o 233% na pagtaas. Ayon sa ATIB, ito ay cost-recovery measure para mapanatili ang kalidad ng serbisyo at pasilidad sa terminal na walang ginastos ang gobyerno sa ilalim ng public-private partnership.
May hanggang Hulyo 11 ang publiko para magsumite ng posisyon hinggil sa panukala.


































