Isang midtech ng Naujan Rural Health Unit at pinaghihinalaang kanyang kalaguyo ang walang habas na pinagbabaril sa kahabaan ng Nautical Highway sa Sitio Amuguis sa Barangay Barcenaga, Naujan, Oriental Mindoro bandang alas-7 ng Lunes ng gabi.
Ang suspek, ang pulis na asawa ng biktimang babaeng kinilalang si Police Corporal Michael Nagelo Geneta, isang pulis na nakatalaga sa 1st Provincial Mobile Force Company ng Oriental Mindoro Police Provincial Office.
Sa ulat na nakarating sa Oriental Mindoro PPO, sakay ng isang sasakyan si Jacklyn Claire Geneta, 33, at si William Heart Eli Gacusan nang habulin sila ng suspek.
Batay sa kwento ng saksi, bumaba umano ang suspek sa motorsiklo nito at pinagbabaril ang dalawa.
Sinubukan pang isugod sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara rin silang dead on arrival.
Sumuko naman ang suspek matapos ang krimen kasama ang kanyang mga magulang dala ang kanyang service fire arm.
Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng sobrang pagselos ng suspek ang naging dahilan ng kung bakit nito nagawa ang krimen. Mahaharap siya sa kasong parricide at homicide.