Naghain ng reklamo ang isang pulis sa bayan ng Romblon, Romblon matapos itong masuntok ng isa sa kanyang mga sinita nitong October 31 dahil sa hindi pagsusot ng face masks.
Ang pulis ay kinilalang si Police Chief Master Sergeant Christian Rada Miron habang ang kanyang mga sinita dahil sa paglabag sa health protocol ay sina Adriano Rivero Madeja Jr. at Christopher Rivero Madeja.
Sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, nakita umano ng pulis ang dalawa at sinubukang sitahin dahil sa hindi pagsusot ng face masks ngunit nilagpasan umano siya ng mga ito kaya nag-antay siyang bumalik ang dalawa.
Pag-balik ng dalawa, napansin ng pulis na nakainum ang mga ito at pinigilan ang dalawa na mag-drive ng motorsiklo upang hindi maaksidente.
Habang nag-uusap, nagkaroon umano ng pagtatalo sina Adriano at ang pulis hanggang sa subukan umano ni Adriano na sapakin ang pulis ngunit nakailag ito.
Sinubukang arestuhin ng pulis si Adriano ngunit tumulong umanong sumuntok ang kasama nitong si Christopher at agad na tumakas.
Naaresto ng mga backup na pulis si Adriano habang pinaghahanap na ng pulisya ang kasama nito.
Mahaharap sila sa patong-patong na kasong Direct Assault upon an Agent of Person in Authority, Unjust Vexation, Resisting Arrest, at Disobedience upon an Agent of Person in Authority.


































