Isang Authorized Persons Outside Residence (APOR) na dumating ng isla ng Corcuera ang pinakabagong kaso ng Covid-19 sa bayan.
Sa isang panayam sa Romblon News Network nitong linggo, kinumpirma ni Corcuera mayor Elmer Fruelda na may isang Authorized Persons Outside Residence (APOR) mula sa Mindoro ang nagpositibo sa virus.
Ang nasabing APOR ay nakapasok sa kanilang isla kahit wala pang resulta ang kanyang RT PCR test na siyang requirement sa mga papasok na APOR mula sa ibang probinsya. Habang naka quarantine, lumabas ang resulta ng test ng APOR na positibo pala sa Covid-19.
Sinabi ni Fruelda na nagutos na siya sa Rural Health Unit at sa mga contact tracer team ng DILG na magsagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing APOR.
Samantala, pinulong na rin umano ni Fruelda ang mga taong nagpoproseso sa pagpapauwi sa isla upang hindi na umano maulit ang ganitong pangyayari.