Sugatan ang isang 61 anyos na lalaki sa Barangay Cagboaya, San Agustin, Romblon matapos mauwi sa pagtatalo ang masayang inuman ng magkakaiban sa nasabing lugar nitong hapon ng Martes.
Kinilala ng San Agustin Municipal Police Station ang biktima na si Baldomero Fadriquelan Reloj, isang magsasaka, habang ang suspek naman ay si Jimmy Manipol Fines, isa ring magsasaka.
Ayon sa police report na nakuha ng Romblon News Network, nag-iinuman ang dalawa nang biglang magkaroon sila ng mainit na pagtatalo kaugnay sa isang bagay.
Di nagtagal umano biglang bumunod ng isang patalim ang suspek at tinaga ang biktima sa kamay.
Agad namang isinugod ng mga nakasaksi sa insidente sa Tablas Island District Hospital ang biktima habang ang suspek ay agad namang naaresto ng mga kapulisan.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang suspek.