Nasawi sa aksidente sa kalsada ang isang pulis ng San Andres Municipal Police bandang alas-10 kagabi.
Kinilala ng Romblon Police Provincial Office ang nasawi na si Police Staff Sergeant Lopito Obrique Marcelino, 52 anyos.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng pulis ang national road sa Barangay Agpudlos sakay ng kanyang motorsiklo nang bigla itong salpukin ng kasalubong na garong o sidecar na minamaneho naman ni Erminio Madrona Rocero, 38 anyos.
Nawalan umano ng kontrol sa minamaneho si Rocero dahil sa mabilis na patakbo nito kaya nakain ng kanyang sasakyan ang linya ni Marcelino.
Isinugod pa sa San Andres District Hospital si Marcelino ngunit idineklara rin itong dead on arrival.
Napag-alaman ng pulisya na walang lisensya ang rider na sumalpok sa pulis.
Nakakulong na ngayon sa San Andres Municipal Police Station si Rocero at mahaharap sa kaukulang kaso.