Nasawi ang isang lalaki sa Sitio Hablon, Barangay Tanagan, San Andres, Romblon matapos itong malunod nitong hapon ng Huwebes, July 29.
Kinilala ng San Andres Municipal Police Station ang lalaki na si Paul Galin, 29 anyos.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, si Galin kasama ang kanyang pinsan at mga kaibigan ay nag-inuman malapit sa ilog kung saan siya huling nakita.
Matapos ang inuman, tumungo umano ang lalaki sa ilog na tila uuwi na ito patungo sa kanilang bahay at sa ilog dadaan.
Ilang oras pa ang nakalipas, nagtaka umano ang ama nito kaya humingi siya ng tulong sa mga residente ng lugar para hanapin ang biktima, at dito na nga nila nakita ang lalaking walang buhay at nasa gilid na ng ilog.
Sinubukan pang dalhin sa San Andres District Hospital ang lalaki ngunit idineklara rin itong dead on arrival.