Malungkot na ibinalita ngayong gabi ng pamunuan ng Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital na binawain na ng buhay kaninang madaling araw ang isang senior citizen sa ospital na halos tatlong linggo ng nakikipaglaban sa Covid-19.
Ayon sa ospital, ang pasyente ay 60 taong gulang, may comorbidities at kumpirmadong may aktibong coronavirus disease 2019.
Batay sa talaan ng ospital sa bayan ng Looc, aabot na sa 9 ang pasyente nilang nagpositibo sa Covid-19 kung saan 3 pa rito ay aktibo, 3 ang gumaling na, at 3 naman ang nasawi.
Hiling ng pamunuan sa publiko na isama sa panalangin ang agara’t kumpletong kagalingan ng mga pasyenteng patuoy na nagpapagaling sa nabanggit na ospital.
Samantala, sa talaan ng lokal na pamahalaan ng Looc, mayroon ng 72 na aktibong kaso ng Covid-19 sa kanilang bayan kung saan 45 rito ay matatagpuan sa Barangay Poblacion.