Patay ang isang magsasaka sa bayan ng Looc, Romblon matapos itong pagtatagain ng isang pang lalaki na naabutan nito na pinagpuputol ang mga tanim sa kanyang taniman noong Mother’s Day.
Kinilala ang biktima na si Ponciano Fernando Dela Vega, residente ng Barangay Sto. Niño.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, tumungo si Dela Vega sa kanyang vegetable farm sa Sitio Little Camandag, Barangay Camandag, nang maabutan nito ang suspek na si Jimson Gervacio Gadaoni, 48, na nagpuputol ng mga gulay sa taniman.
Kinumpronta ng biktima ang suspek ngunit hindi ito sumagot at sa halip ay kumuha ng bulo at pinagtataga ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad namang tumakas ang suspek sa krimen habang ang biktima ay naiwang duguan at walang buhay.
Naaresto ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation ng Looc Municipal Police Station.
Nakakulong na siya ngayon at sasampahan ng kasong murder.