Nagkalat na buto ng tao ang natagpuan ng isang mag-anak sa isang kweba sa Sitio Poyo, Brgy. Mahaba sa bayan ng Corcuera, Romblon.
Sa ulat ng pulisya, bandang ala-una ng hapon nang tumungo si Barangay Councilor Noel Fajardoza kasama ang kanyang anak at mga pinsan sa kweba sa lugar para sana sa cave tour ngunit ang naabutan nila doon ay nagkalat na buto ng tao.
Pagbaba nila, agad nila itong isinumbong sa kapitan Barangay Mahaba na siya ring nagsumbong sa pulisya.
Agad namang rumesponde sa lugar ang Corcuera Municipal Police Station at inimbestigahan ang mga buto.
Hinala ng mga residente ng lugar, mga labi ito ni Margelito Falcatan Faderagao na nawala noon pang August 21, 2015.
Huling nakita kasi si Faderagao sa Barangay Colong-Colong, akalapit na barangay ng Mahaba.
Hihiling na ang Corcuera Municipal Police Station sa crime laboratory ng Philippine National Police para magsagawa ng mga tests para matukoy ang pagkakilanlan ng labi.